Ang pagtatasa para sa proyektong Communities for Development (C4D) ay naglalayon na suriin ang kalagayan at pagganap ng bawat isang community-based organization o mga samahan sa pamayanan na saklaw ng pinaka layunin ng proyekto na transpormasyon ng mga komunidad. Ang proseso ng pagtatasa ay dumako rin sa mga karanasan at pamamaraan na nangyari habang isinasagawa ang proyekto na nagbigay daan para sa pagbabago ng mga samahan sa komunidad.
Ang Communities for Development (C4D) ay pinangunahan ng Lingap Pangkabataan Incorporated (LPI) sa loob ng tatlong taon katuwang ang iba pang mga organisasyon na may kahalintulad na layuning makapag ambag sa pagbabago ng mga pamayanan sa Pilipinas. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga samahan sa pamayanan sa pakikipagkaisa sa mga faith based organization o mga simbahan, mga lokal na non-government organizations (NGO) na tumutulong para sa karapatang pantao, lalo na sa mga bulnerableng grupo.
Ang C4D bilang proyekto ay nagsimula noong ika-1 ng Enero, 2018 at nagtapos noong ika-30 ng Hunyo 2021. Ang pagsasagawa ng pagtatasa para sa mga samahan sa pamayanan ay mahalaga sa pagtatapos ng proyekto upang higit na mapahalagahan ang mga resulta ng mga lapit na isinagawa sa loob ng proyektong C4D. Pinakatampok sa pagtatasang ito ay malaman ang kalagayan ng mga samahan na kasama sa proyekto kung nagkaroon ng pagbabago para sa pangmatagalang hangarin. Binigyan ng pagkakataon ang mga samahan na makapagbahagi ng kanilang kasalukuyang kalagayan, pagganap at mga sinimulang gawain bilang samahan.
Ang pagtatasa ay isinagawa sa anim na piling samahan na nakabase sa apat na barangay at kabilang sa tatlong munisipalidad sa lalawigan ng Eastern Samar. Ito ay ang mga sumusunod; Ang Bayanihan Simbolo Han Tinikangan Association (BASIHANTA), Balangiga Strong Foundation Women’s Association (BASFWA), Balangiga Motorpot Driver’s and Operators’ Association. Ang tatlong ito ay nasa Barangay Poblacion 1, Municipality of Balangiga. Samantala, ang Sta Margarita Women’s Group at ang San Antonio de Padua Fisherfolk and Farmers Association (SAFFA) ay makikita sa Barangay Santa Margarita, Municipality of Quinapondan. Ang Kaugop Multi-Purpose Cooperative naman ay sa Barangay 10, Municipality of Lawaan.
Ang C4D bilang proyekto ay naganap sa loob ng tatlong taon at kasalukuyang nasa yugto ng pagpapatuloy. Bahagi ng disenyo nito ay ang aktibong tuwangan sa pagitan ng samahan sa pamayanan at mga lokal na simbahan bilang mandato ng Lingap Pangkabataan patungo sa kaunlarang pagbabago.