Nitong nakaraang Nobyembre 30, isang talakayan ang isinagawa ng Lingap Pangkabataan, Incorporated [Lingap] upang makapagbahaginan nang iba’t ibang mga paraan kung paano maisusulong ang karapatan at aktibong pakikilahok ng mga bata at kabataan. Layunin nitong mabigyan ng kakayahan ang mga bata na makisangkot sa pagpapaunlad ng kanilang mga sarili at ng pamayanan.
Sa pamamagitan ng iba’t ibang mga talakayan at paglalahad mula sa mga dalubhasa at praktikal na karanasan ng ilang organisasyon, naipakita kung paano maaaring muling tuklasin ang katatagan ng mga bata sa pamamagitan ng kanilang mga kakayahan at pakikilahok.
Unang ibinahagi ang biblikal na batayan na ang bawat bata ay regalo ng Diyos na dapat pahalagahan at alagaan ng komunidad. Ayon naman sa Pambansang Balangkas para sa Pakikilahok ng Kabataan, may karapatan ang mga bata na malayang ipahayag ang kanilang mga pananaw at makilahok sa mga usaping nakaaapekto sa kanila.
Nagbigay din ng mga halimbawa ng iba’t ibang inisyatibang nakatuon sa paghubog ng kakayahan ng mga bata sa pamamagitan ng kanilang aktibong pakikilahok. Kasama rito ang Children’s Organizing (Chi-O) na nagtuturo sa mga bata ng pagiging matatag, pagtitiyaga, at pakikiisa; at ang KIDSPren na nagbibigay ng mga kasanayan sa pamumuhunan at pagnenegosyo para sa mga batang nasadlak sa kahirapan. Dagdag pa rito, ipinakita din kung paano nakikilahok ang mga kabataan sa mga kampanya laban sa karahasan at online abuse. Sa pamamagitan ng ECPAT Youth and Children Advocates, Stairway Foundation, Children’s Association of Balangiga at at iba pang samahan, natutulungan nila ang kapwa nilang bata at nabibigyan sila ng boses upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Tunay ngang ang pakikilahok at katatagan ng mga bata ang susi sa pagbuo ng isang mas maunlad na kinabukasan. Kaya naman, dapat lang na bigyan natin sila ng sapat na kakayahan at pagkakataon upang makapag-ambag sa pagpapaunlad ng ating bansa.
Kung nais pong malaman ang detalye ng naganap sa online na talakayang ito, mangyari pong i-click or i-tap ang link po na ito.https://drive.google.com/file/d/1RsVrGi70e0DQnBpyHf0rOWeL7ISX3IfS/view?usp=sharing